• Ngayong hapon ang premiere telecast ng "Willing Willie" at LIVE ito na mapapanood mula sa Novaliches studio ng TV5. Isasara ang kalye sa harap ng TV5 station dahil magkakaroon ng "Mardi Gras" bago magsimula ang show ni Willie Revillame kaya pinapayuhan ang mga motorista na iwasan na dumaan sa nabanggit na lugar para hindi sila maipit sa traffic. Sa technical at dress rehearsal noong huwebes, sinabi ni Willie sa kanyang audience na nanggaling pa mula sa malalayong probinsya na karapatan ng pamilyang Filipino na sama-samang manood tuwing hapunan ng isang show na magbibigay sa kanila ng saya at pag-asa, hindi ng mga programa na panay tungkol sa mga krimen, aksidente at problema ng bansa. P20M ang ginastos sa renovation ng studio ng Willing Willie at ng dressing room ni Willie sa Novaliches studio ng TV5. Dumating at nanood ng technical/dress rehearsal noong huwebes sina Lolit Solis, Jo-ann Maglipon, Boss Vic del Rosario, Cristy Fermin at Meryll Soriano na kasama ang anak nila ni Bernard Palanca. Nang matapos ang opening scene ni Willie, lumabas mula sa studio si Cristy dahil pinigilan niya ang sarili na mapaluha. Teary-eyed si Cristy nang maabutan namin siya na naninigarilyo sa artist entrance ng TV5. Napapaluha sa tuwa si Cristy dahil natutuwa siya sa muling pagbabalik ni Willie sa telebisyon. Si Cristy ang saksi sa mga malulungkot na araw ni Willie nang mawalan ito ng programa sa ABS CBN. Siya rin ang naging hingahan ng sama ng loob at tagapayo ng controversial TV host.
SOURCE: Jojo Gabinete | Abante (October 23, 2010)
• Ayon sa Production Unit Head ng "Willing Willie" na si Jay Montelibano, mali ang intrigang ayaw pasukin ng advertisers ang bagong show ni Willie Revillame. Sa ngayon daw, pumasok na ang UNILEVER sa ilang segments ng show nila. Pati ang SMART daw ay nagpasok na rin ng portion buy sa show. Bale si DJ Mo Twister daw ang nag-intro sa SMART portion buy dahil may kontrata pa sa GLOBE si Willie. Hanggang Enero pa raw ang kontrata ni Willie sa GLOBE.
SOURCE: Jun Lalin | Abante Tonite (October 23, 2010)
• Isang dry run ang naganap kaninang hapon. 12pm pa lang mahaba na pila. 4pm magsisimula ang dry run. Ramdam mo ang excitement sa loob ng studio gaya nung time ng Wowowee. Walang mapwestuhan na parking area, occupied na. Sobrang trapik sa Quirino H-way. Ayon sa kakilala ko sa TV5, mas lalo sa pilot episode sa sabado dahil lahat ng staff at artista ng network ay required dumalo dito. Kaya sa mga gustong pumunta dapat 11am pa lang nandun na kayo kasi madaming tao ang pupunta at pipila. Around 3pm magpapasok na sila. Ayon kay Willie walang TRO kaya tuloy na tuloy sa sabado ewan lang sa lunes. Pero ayon sa aking source, malabong magkaroon ng TRO.
SOURCE: Jojorazzi (October 21, 2010)
• “Mapapatalon ka sa tuwa dahil ihahatid na ni Willie ang kauna-unahang daily game show ng Kapatid Network. Hindi rin papaawat ang nagseseksihang dancers na hahataw sa dance floor ng hi-tech set ng Willing Willie. “Mayayanig ang Philippine TV sa pagsisimula ng “Willing Willie” sa primetime block na dinodomina ng newscast. Ayon pa kay Willie, “Pagpatak ng oras ng hapunan, mas dapat bigyang-diin ang bonding ng pamilya. Imbes na masasamang balita, mas masarap lahukan ng saya at palaro ang bawat tahanan sa ganitong oras.” “Tuloy ang saya. Tuloy ang pag-asa! Maghanda na sa “123 Go!” kung saan 50 studio audience ang may pagkakataong sumagot sa mga trivia question na maaaring sagutin ng 1, 2 o 3. Samantala, nandiyan din ang “Family Apir”. Sa larong ito, pabilisang papuputukin ng mga pamilyang may apat na miyembro ang sampung lobo. “Malaking premyo naman ang hatid ng “Spin a Wil”, ang finalé game kung saan maaaring manalo ng bagong kotse, lupa’t bahay at isang milyong piso. Paikutin ang swerte sa pamamagitan ng pag-ikot ng tatlong beses sa roleta. Kapag nabuo ang W-I-L sa tatlong ikutan, maiuuwi na ang lahat ng papremyo! “Maantig sa mga kwentong magbibigay-inspirasyon sa “Wiltime Bigtime.” Bibigyang-tinig ng programa ang mga kwento mula sa mga basurero, labandera, sekyu, estudyante, guro, tindero at iba pa. Isasalamin ng programa ang saloobin ng bawat Pilipino kasama si Willie.”
SOURCE: Jojorazzi (October 21, 2010)
• Dinalaw namin si Willie Revillame sa newly renovated studio ng TV5 sa San Bartolome, Novaliches. High-tech ang studio ng Willing Willie na more than P100M ang halaga ng renovation. Ang Will Productions nina Willie at Boss Vic del Rosario ang gumastos sa renovation ng studio na ‘yon at mapapahanga ka sa ganda once na mapasok mo. Pati ang gallery na audience area ay napakaganda rin. Nalula kami ni Bisaya sa ganda ng dressing room ni Willie. Pati comfort room ng dressing room ni Willie ay napakaganda. Iyung dressing room na ‘yon ang dating dressing room ni Ruffa Gutierrez sa Paparazzi noong time na ginagamit pa ng nabanggit na showbiz talk show ang studio na ‘yon ng TV5. Milyones ang ginastos ni Willie sa pagpapa-renovate ng dressing room na ‘yon. “Sarili kong gastos ang pagpapagawa ng dressing room ko at nagustuhan ko naman. Very comfortable,” sabi ng TV host/producer. Bukod sa conference table, may malaking LED TV si Willie at may higaan din siya na very comfortable. Si DJ Mo Twister muna ang co-host ni Willie at malamang na after ng isang buwan pa ilo-launch ng TV host/producer ang kanyang bagong co-hosts sa Willing Willie. May nakapagbulong sa akin na hindi pa kumpleto ang list ng co-hosts sa Willing Willie at baka ‘yung ibang pangalan na unang lumabas ay hindi matuloy sa show at baka may iba rin na madagdag sa list. Naikuwento rin ni Willie na marami nang advertisers ang nagpasok ng portion buy sa kanilang show at marami na ang nag-place ng kanilang commercial.
SOURCE: Jun Lalin | Abante Tonite (October 21, 2010)